Monday, March 24, 2008

ang trahedya ng tsokolate at sorbetes

nakita ko itong akdang ito sa http://www.fictionpress.com/s/1301906/1/Ang_Trahedya_ng_Tsokolate_at_Sorbetes na sinulat ng isang broken shade noong mayo 12, 2003 sa nasabing website. ito yung isa sa mga tulang pinapangarap kong isulat. hay.

“Ang Trahedya ng Tsokolate at Sorbetes”

Noong mga bata pa tayo
At napakasimple ng mundo
Kung papapiliin tayo
Tsokolate ba o sorbetes
Buong ngiti nating sasabihin
Ang gustong makapiling
Ng mga naghihintay
Na kamay at labi
Ngunit hindi pala ganoon
Kadali ang pagpili at mas
Nagiging komplikado ang
Lahat ng bagay at ang tanong
Na mayroong nakahandang sagot
Nakakalimutan na
Ipit sa ‘ting gunita
Ang lahat ng luha
Dahil minsan gusto natin ng
Tsokolate at minsan naman
Sorbetes, tsokolateng may
Sorbetes, o sorbetes na may
Tsokolate, o tsokolate na
Parang sorbetes, minsan
Sorbetes na may lasang
Tsokolate ‘di ba?
At nakakalimutan natin
Na magkaiba ang sorbetes
At ang tsokolate, ngunit
Pareho lang naman talaga
At sa pagkalitong ito natin
Nakakalimutan na
Mamili, o siguro
Kinakalimutan
Habang dinidilaan natin
Ang tamis na namumuo sa
Ating mga daliri at
Masaya sa nakababaliw
Na sarap na ating nalalasap
Iniisip natin na
Hindi na kailangang mamili
At tama na ito
Ngunit darating ang panahon
Na kinakailangan natin
Na mamili at dapat may
Nakahanda na tayong sagot
Dahil natutunaw, nalulusaw
Ang tsokolate at ang
Sorbetes, kailangan
At dapat mamili
Sinabi mo na malamig man
Ang sorbetes, mananatili
Pa rin ang init na iyong
Nararamdaman kahit ubos
Na ito, at kahit matamis man
Ang tsokolate, gutom
Mananatili hanggang
Magsawa’t ayaw na
Tinanong mo ako kung ano ang
Pipiliin ko sa huli, kapag
Sorbetes ang pinili titigil
Ang araw, luluha ang buwan at
Magsasayawan ang mga tala
Kung tsokolate naman, kakain
Ako dahil ayaw ko na nito
Bibilis ang pag-ikot ng mundo
At tatawa ako ng malakas
Dahil sa kasinungalingan ng
Aking masayang ngiti’t pagtawa
At nang mga sandaling iyon
Namili ako at sinabi:
“Ayaw ko na ng sorbetes,
Ayaw ko na ng tsokolate,
Iinom na lang ako ng tubig.”
Katahimikan. Ngiti.
Tamis. Tamis at pait.
Tama, tubig na lang.

No comments: